-- Advertisements --

Magkasabay na dumating ngayong araw sa bansa ang karagdagang mahigit 1.2 million doses ng Sinovac at Sinopharm COVID-19 vaccines mula China.

Lumapag sa may Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 dakong alas-6:39 kaninang umaga ang PAL flight sakay ang one million doses ng Sinovac vaccines na binili ng gobyerno at 260,800 doses ng Sinopharm vaccines.

Ayon kay Assistant Sec. Wilben Mayor, head ng National Task Force (NTF) Against COVID-19’s sub-task group on current operations na ang 260,000 doses ng Sinopharm ay balance sa one million na vaccine na donasyon ng Chinese government sa Pilipinas.

Nauna ng dumating kahapon ang inital delivery ng 739,200 doses ng Sinopharm COVID-19 vaccines.

Ayon sa opisyal, ilalaan ang mga natanggap na panibagong suplay ng bakuna sa mga lugar na may mabilis na pagtaas ng COVID-19 cases.

Nakabase ang pamamahagi ng mga bakuna sa bilang ng COVID-19 cases, naitatalang daily attack rate, population density at economic activities ng partikular na lugar.

Sa ngayon, wala pang certificate of analysis mula sa manufacturer ang bagong dating na suplay ng Sinovac subalit inaasahan na mailalabas sa loob ng isang linggo ang COA ng Sinovac na gumagarantiya na ligtas itong gamitin habang ang Sinopharm vaccines naman ay mayroon ng EUA na nakahanda ng ipamahagi.