-- Advertisements --

Naniniwala si Justice Sec. Menardo Guevarra na hindi na kailangan pang maglunsad ng panibagong imbestigasyon sa pagkakadawit ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa “pastillas scheme” sa Bureau of Immigration.

Ito’y makaraang idiin ni Special Envoy to China Ramon Tulfo si Aguirre na umano’y protektor ng nasabing modus operandi.

Ayon kay Guevarra, bago pa man ang pagkaladkad ni Tulfo kay Aguirre sa kanyang column ay matagal na raw iniutos sa National Bureau of Investigation ang pag-imbestiga sa isyu.

Kasama na rin aniya sa binubusisi ng NBI ay ang pagkakasangkot ng ilang Immigration personnel sa human trafficking at escort services.

Una rito, mariing itinanggi ni Aguirre ang ibinabatong mga akusasyon laban sa kanya.

Handa rin daw itong humarap sa Senado ang dating opisyal upang pabulaanan ang mga ibinibintang sa kanya ni Tulfo.