-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagkabahala si European Union top diplomat to Manila Luc Veron sa pinakahuling insidente ng panghaharrass ng China sa barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos ang pinakahuling insidente ng dangerous maneuvers na ginawa ng mga barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa mga barko ng Philippine Coast Guard sa kasasagsagan ng isinasagawa nitong misyon sa WPS na nagresulta naman sa bahagyang banggaan ng dalawang barko ng magkabilang panig.

Sa isang statement sinabi ni EU Ambassador Luc Veron na nababahala siya sa pattern ng dangerous maneuvers at blocking na ginagawa ng mga barko ng China sa lugar na tumatarget naman sa mga barko ng Pilipinas na nagsasagawa lamang ng kanilang misyon.

Sa naturang pahayag ay muling binigyang-diin ng EU envoy na ang lahat aniya dapat ng partido ay sumusunod sa legally binding 2016 Arbitration Award at international law para sa mas mapayapang pagresolba sa agawan sa naturang teritoryo, at upang tiyakin din ang kaligtasan sa maritime waters.

Magugunitang ang PCG ay idineploy sa WPS para umalalay lamang sa ikinasang rotation at reprovisioning operation ng Armed Forces of the Philippines sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal para magdala ng supplies sa mga tropa na naka-base sa naturang lugar.