-- Advertisements --

ROXAS CITY – Nakapagtala ng panibagong kaso ng African Swine fever (ASF) ang lalawigan ng Capiz, partikular sa Barangay Poblacion, President Roxas.

Ito ang kinumpirma ng kanilang alkalde na si Mayor Receliste ‘Tanoy’ Escolin, ng makapanayam ng Bombo Radyo.

Aniya, ba-se sa naging imbestigasyon ng kanilang Municipal Agriculture’s Officer, sinasabing nagkasakit lang ang alagang baboy ng isang residente at ng kalaunan ay namatay.

Agad namang kinunan ng blood sample ang namatay na baboy at nalamang positibo ito sa ASF.

Sinabi din ni Escolin na agad niyang pinakilos ang kanilang Local Government Unit (LGU) upang maiwasan ang pagklat ng nasabing virus sa mga baboy.

Samantala, hinihinalang nakapasok narin ang ASF sa barangay ng Tanza at Dumolog, sa lungsod ng Roxas, dahil sa ipinalabas na abiso ng alkalde ng lungsod na aniya hinihintay nila ang resulta ng blood sample ng baboy na sinasabing posible positibo sa ASF.

Sa ngayon, apat na bayan na sa Capiz na kinabibilangan ng Maayon, Dumarao, Pilar at President Roxas ang kumpirmadong may nagpositibo na sa nasabing virus sa mga baboy.