KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Koronadal City PNP kaugnay sa panibagong kaso naman ng investment scam sa lungsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Joefel Siason, hepe ng Koronadal City PNP, kanila nang pinaghahanap ang inirereklamo ng mga biktima na si Diana Roldan makaraang tumakas umano ito dala ang milyon-milyong pera ng mga investors.
Ayon kay Siason, naka-monitor ang PNP sa naturang kaso ngunit ipinaliwanag nitong dapat nang dumulog sa piskalya kapag may kaugnayan sa scam ang isyu.
Nakahanda rin aniya ang mga kapulisan na magsagawa ng manhunt operation kapag may matibay nang katibayan na ipinakita laban sa naturang suspek.
Kaya nananawagan ang opisyal sa publiko na magdoble-ingat lalo na kapag may umaalok ng malaking interes.
Nag-ugat ang naturang usapin matapos dumulog sa tanggapan ng Koronadal PNP kahapon ang mga biktima upang ireklamo ang recruiter ng Dianamite investment scam na si Diana Loyola Roldan matapos tumakas umano dala ang mahigit P6 milyong pera ng mga investors.
Bukas naman ang linya ng Bombo Radyo Koronadal para kay Roldan upang makapagpaliwanag at madepensahan ang kaniyang sarili laban sa mga akusasyong ipinupukol sa kaniya.