Naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panibagong kasong murder laban kay dating Bureau of Corrections director general Gerald Bantag kaugnay sa pagkamatay noong 2020 ng isang preso na nagsiwalat ng mga anomaliya sa loob ng New Bilibid prison sa Muntinlupa city.
Pinangalanan din ang 6 na iba pang indibidwal maliban pa kay Bantag sa naturang reklamo na inihain ng National Bureau of Investigation para sa pagkamatay ng person deprived of liberty na si Hegel Lapinig Samson.
Kabilang sa mga pinangalanan sa naturang reklamo sina dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta, Victor Erick Pascua at mga preso sa Bilibid na sina Rolando Villaver, Mark Angelo Lampera, Charlie Dacuyan at Wendell Sualog.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla namatay si Samson sa asphyxiation dahil sa isang plastic bag na nakabalot sa kanyang ulo at idineklarang dead on arrival sa ospital ng Bilibid noong Nobiyembre 7, 2020.
Sinabi pa ng kalihim na si Samson ang Leon Bilibid na nagsisiwalat o nagsasalaysay sa online platform ng mga misteryosong nangyayari sa loob ng Bilibid.
Kayat ayon kay Sec. Remulla marahil ay may nagalit kay Samson at pinatay ito gamit ang plastic bag.
Ibinunyag din ng kalihim na umamin na ang apat na preso ng kanilang naging partisipasyon sa pagpatay kay Samson.
AV Justice Secretary Crispin Remulla
Sa kasalukuyan, dalawang kasong murder na ang inihain sa regional trial courts laban kina Bantag at Zulueta.
Kung saan kinasuhan sina Bantag at Zukueta sa Las Pinas City RTC kaugnay sa pagkamatay ng radio broadcaster na si Percy Lapid.
Habang sa Muntinlupa City RTC, kinasuhan ang 2 dating BuCor official ng pagpatay sa preso na si Cristito Villamor Palana na umano’ middleman na tumawag sa killer ni Lapid.
Kapwa nagisyu na ng warrant of arrest ang 2 korte laban kina Bantag at Zulueta na nananatiling at large.
Nauna na ring nag-alok ng P2 million pabuya ang DOJ at NBI para sa ikadarakip ni Bantag habang P1 million pabuya naman para sa ikadarakip ni Zulueta.