Muling niyanig ng panibagong lindol na magnitude 5.5 ang Meiktila, Central Myanmar, nitong Linggo ng umaga ayon sa U.S. Geological Survey.
Ang lindol ay isa sa pinakamalakas na aftershock matapos ang 7.7 magnitude na lindol na naitala sa bansa noong Marso 28, na nagdulot ng matinding pinsala at pagkasawi. Kung saan umabot na sa 3,649 ang nasawi at higit 5,000 ang nasugatan dahil sa 7.7 magnitude na lindol.
Batay sa Meteorological Department ng Myanmar, naganap ang bagong lindol sa bayan ng Wundwin, malapit lamang sa Mandalay, Myanmar.
Wala namang naiulat na malawakang pinsala o karagdagang nasawi sa bagong pagyanig, ngunit maraming residente ang lumikas dahil sa lakas ng pagyanig.
Nababahala naman ang United Nations na lalala pa ang krisis sa kalusugan at kabuhayan sa Myanmar dahil sa mga pinsalang dulot ng mga lindol, sa gitna ng patuloy na civil war at mahigit 3 milyong tao na umano ang lumilikas.
Naganap ang lindol sa unang araw ng Thingyan, ang tatlong araw na pagdiriwang ng tradisyonal na Bagong Taon ng Myanmar. Kanselado naman ang mga selebrasyon ngayong taon dahil sa kalamidad.