VIGAN CITY – Muling iginiit ni dating Department of Health (DOH) Sec. Janette Garin na wala itong kasalanan hinggil sa isyu ng Dengvaxia vaccine, lalo na sa pagkamatay ng mga batang nabakunahan nito.
Ito ay kasabay ng panibagong kasong isinampa laban kay Garin at kasalukuyang Health Sec. Francisco Duque III na may kaugnayan sa pagkamatay ng mga batang sina Roceza Salgo noong March 6, 2018; Eira Mae Galoso noong July 31, 2018 at Leiden Alcabasa noong January 27, 2018.
Si Garin ay respondent sa tatlong reklamong inihain ng pamilya ng mga biktima sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO) samantalang si Duque naman ay respondent sa reklamo ng pamilya Galoso.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng dating kalihim na malinis ang kaniyang konsensya sa pagpapabakuna ng Dengvaxia dahil wala naman umanong opisyal na maghahangad na mapahamak ang mga ito sa mga programang ipinapatupad ng pamahalaan para sa kanilang kabutihan.
Sinabi nito na mayroon silang mga dokumentong hawak na magpapatunay na hindi nakamamatay ang bakuna bagama’t may ilan na maliit na tsansa na magka-dengue matapos ang 30 buwan na 0.2% mula sa 10% lamang.
Dahil sa mga panibagong reklamong naihain, aabot na sa 38 ang kabuuang bilang ng mga kasong isinampa sa DOJ sa pamamagitan ng PAO bilang legal counsel ng pamilya ng mga biktima ng pinaniniwalaang nakamamatay na Dengvaxia.