Inirekomenda na ng Government Service Insurance System (GSIS) kay Pangulong Rodrigo Duterte na itaas sa P6,000 kada buwan ang minimum pension ng kanilang mga miyembro.
Nakasaad sa statement ng GSIS, kabuuang 67,201 old age at disability pensioners ang makikinabang sa kanilang panukalang aprubado ng GSIS Board of Trustee.
Kung aprubahan ni Pangulong Duterte, epektibo ang pension hike simula Pebrero ngayong taon.
Sinabi ni GSIS president and general manager Jesus Clint Aranas, ang inirekomenda nilang pension hike ng mga retiradong miyembro ay hindi nangangailangan ng pagtataas sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro at wala ding negatibong epekto sa actuarial life ng pension fund.
Huling nagtaas ng pension ang GSIS noong nakaraang taon lamang kung saan ginawa nitong P5,000 ang buwanang pension ng mga retirado at may kapansanang miyembro.
“It should be noted that GSIS is recommending a pension hike that will not necessitate an increase in the monthly contribution of our members nor bring about adverse effects in the actuarial life of the pension fund,” ani Aranas.