-- Advertisements --

Magandang balita para sa mga motorista.

Magpapatupad ng panibagong oil price rollback sa lahat ng mga produkto ng langis sa susunod na linggo sa ika-limang pagkakataon.

Kinumpirma ito ni Assistant Secretary Rodela Romero ng Department of Energy-Oil Industry Bureau at sinabing posibleng mahigit sa piso ang maging bawas-presyo sa lahat na mga produktong petrolyo.

Gayunman, inaantay pa nila ang pagsasara ng trading ngayong araw para matukoy kung anong epekto nito sa susunod na presyuhan.

Sinabi ng DOE na kabilang sa dahilan ng panibagong oil price rollback ay bunsod ng pagbaba ng presyo ng langis sa international market, ang pagbaba ng demand o kunsumo ng malalaking mga bansa tulad na lamang ng China at ng Estados Unidos.

Paliwanag pa ng ahensya, dagdag pa raw sa dahilan ay ang economic slowdown at ang pagtaas ng interate rate ng Amerika upang rendahan ang inflation rate.

Habang sa China naman, ay ang muli na namang pagpapatupad ng lockdown dahil pa rin sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa darating na lunes ng hapon, kadalasan nalalaman ang eksaktong presyuhan sa opisyal na anuniyo ng mga oil companies para naman sa implementasyon nito kinabukasan ng Martes.