CEBU CITY – Umabot sa P 8.7 million na karagdagang halaga ng shabu ang nakumpiska ng otoridad ngayong araw sa lungsod ng Cebu sa patuloy na intensified anti-drug operations.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Provincial Intelligence Branch chief Lt. Col. Marlu Conag, umaabot sa isang kilo ang iligal na droga ang nakuha mula sa coordinated operations ng Provincial Intelligence Branch, Regional Intelligence Division (RID-7), RDEU Police Regional Office-7 at PDEU ng Cebu Provincial Police Office na nanggaling sa mga naaresto na sina Jeric Canton, 46, residente ng Sitio Lower Torre, Barangay Inayawan at Ricky Pelida, 34, ng Bontores St., Barangay Basak, San Nicolas, Cebu City.
Kinumpirma rin ni Lt. Col. Conag na gaya ng mga naunang narekober na illegal drugs nakasilid din sa Chinese tea bag ang isang kilo ng shabu napasakamay mula sa mga naaresto na matagal nang mino-monitor ng pulisya.
Kaugnay nito, iginiit ng opisyal na kailangang palakasin pa ng mga otoridad ang kanilang kredibilidad upang kusa na lang na magbigay ng impormasyon ang komunidad sa pulisya kaugnay sa mga pasaway na indibidwal sa kanilang mga nasasakupan.
Una nito, umabot sa P70.3 milyon na halaga ng shabu at mahigit isang milyong piso ng marijuana ang napasakamay din ng mga otoridad sa ginawang tatlong araw na regionwide Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) na humantong din sa pagkaaresto ng daan-daang mga durugista.