-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang pagtugis ng Joint Task Force Central sa dalawang mga opisyal ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Ampatuan, Maguindanao matapos na makubkob ng militar panibagong taguan ng mga matataas na uri ng armas, bala at pagawaan ng bomba ng mga ito.

Ayon kay 6th Infantry Division spokesman, Maj. Arvin Encinas, nagpatupad kasi ng law enforcement operation ang Army 2nd Mechanized Infantry Battalion sa pangunguna ni Lt. Col. Alvin Iyog sa Barangay Kauran at nadiskubre ang nabanggit na pagawaan.

Dalawang mga bahay na target nang operasyon ang nakunan ng tatlong M16 armalite rifles, dalawang M14 rifles, isang M79 grenade launcher at mga bala.

Dagdag pa ni Encinas na ang naturang mga armas ay pag-aari umano nina Nords Plantis at Guialil Mohamad Dalundong na pawang mga miembro ng BIFF.

Ang dalawa ay sangkot umano sa illegal drug trade at pambobomba sa ibat ibang mga lugar sa Central Mindanao.