Nakapagtala ang Phivolcs ng panibagong phreatic eruption event sa Taal volcano ngayong araw.
Umaabot ito sa 1,200 metrong taas at katamtamang pagsingaw na napadpad sa kanlurang direksyon.
Nai-record ito kaninang alas-3:20 ng madaling araw.
Ito ay tumagal ng tatlong minuto, base sa pasilidad ng Phivolcs.
Kaugnay nito, nakapagrehistro rin ng limang volcanic earthquakes, kabilang na ang apat na volcanic tremors na may habang dalawa hanggang tatlong minuto.
May Sulfur Dioxide flux din na umaabot sa 2,671 tonelada kada araw at upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa.
Patuloy naman ang babala ng Phivolcs na iwasang lumapit sa volcano island, kung saan maging ang mga sasakyang panghimpapawid ay hindi pinapayagang dumaan sa air space na katapat ng naturang bulkan.