Dismayado ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa naging pahayag ng New Peoples Army (NPA) na palakasin pa ang kanilang pagre-recruit ng bagong miyembro.
Ang nasabing utos ay inilabas ng NPA sa lahat ng kanilang kasapi kasabay sa paggunita nila ng kanilang ika-48th founding anniversary kahapon.
Sa nasabing direktiba, muling kinuwestiyon ang sinseridad ng NPA sa pakikipag usap ng kapayapaan sa pamahalaan.
Ayon kay AFP Spokesperson BGen. Restituto Padilla na isang malungkot na development ang pahayag ng NPA lalo na sa pagbabalik muli sa negotiating table ng magkabilang kampo.
Inihayag ni Padilla na pinapakita lamang ng CPP ang kanilang totoong kulay ng kanilang grupo at hindi nila inaasam na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
Aniya, nais lamang ng komunistang grupo na palakasin ang kanilang pwersa sa pamamagitan ng pag recruit ng mga bagong miyembro.
Ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF ay nakatakda sa unang linggo sa buwan ng Abril.
Una rito, nagpahayag ng pagdududa ang militar sa motibo na pagdedeklara ng unilateral ceasefire ng NPA sa susunod na buwan ng Abril.
Posible aniyang gagamitin ng rebeldeng grupo na magsawaga ng recruitment, magtipon tipon para palakasin ang kanilang pwersa.