-- Advertisements --

Nahaharap sa panibagong reklamo si dating Department of Health Secretary at kasalukuyang Iloilo 1st district Rep. Janette Garin may kaugnayan pa rin sa mga pagkamatay na iniuugnay sa pagtuturok ng Dengvaxia vaccine sa mga bata noong rehimen ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Inihain ng 4 na complainant ang reklamo para sa reckless imprudence resulting in homicide laban kay Garin at dating mga opisyal ng gobyerno.

Inakusahan din ang mga ito ng paglabag sa Anti-Torture Act of 2009 at Consumer Act of the Philippines at Philippine Pharmacy Act.

Ang paghahain ng panibagong reklamo laban kay Garin at iba pa ay isang araw lamang matapos ibasura ng Department of Justice (DOJ) ang 19 na bilang ng reckless imprudence resulting in homicide na inihain laban kay Garin at iba pa.

Samantala, inihayag naman ni Rep. Garin na kanilang aantayin ang kopiya ng reklamo subalit marahil aniya ay pareho lamang ang naturang complaint at fake autopsy report.

Una rito, naging kontrobersiyal ang pagtuturok ng dengvaxia vaccine sa ilalim noon ng Aquino administration kung saan kalihim noon ng DOH si Garin matapos mapaulat na ilang mga bata ang nasawi kasunod ng isinagawang immunization program kontra dengue sa mga eskwelahan gamit ang Dengvaxia vaccine.