-- Advertisements --

Iniulat ng Departmenrt of Foreign Affairs (DFA) na walang nangyaring untoward incident sa panibagong rotation and reprovisioning (RoRe) mission nitong Biyernes sa BRP Sierra Madre na nakaangkla sa Ayungin shoal.

Ayon kay Foreign Affairs spokerperson Ma. Teresita Daza, nagpapakita ito ng mahalagang papel ng epektibong diplomasiya sa mga isyu sa West Philippine Sea at lumilikha ng paraan para sa innovative approaches para makatulong na mapangasiwaan ang sitwasyon nang hindi nakokompormiso ang pambansang interes ng PH.

Samantala, nagpasalamat naman ang DFA sa propesyunalismo ng mga personnel ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa pagsasagawa ng naturang misyon.

Sumasalamin naman ang naturang misyon sa commitment ng bansa para sa mapayapang pagresolba ng disputes sa pamamagitan ng dayalogo at diplomasiya salig sa patnubay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang pinakabagong RoRe mission ang ikalimang matagumpay na resupply sa mga tropa ng PH na naka-istasyon sa lumang warship ng bansa sa ilalim ng understanding o kasunduan ng PH at China sa RoRe mission sa Ayungin shoal.

Matatandaan na nagkasundo ang PH at China na ipagpatuloy ang pagpapatupad ng provisional arrangement sa rotation at pagpapadala ng mga suplay sa BRP Sierra Madre sa idinaos na ika-10 Philippines-China Bilateral Consultation Mechanism sa Xiamen city, China noong unang bahagi ng Enero ng kasalukuyang taon.