Nagpahayag nang pangamba si Presidential Adviser for Entrepreneurship Secretary Jose “Joey” Concepcion III sa mababang bilang ng mga indibidwal na nagpapabakuna ng mga booster shot sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Concepcion na suportado niya ang implementasyon ng Alert Level Zero upang muli aniyang makabangon ang ekonomiya ng ating bansa, iyon ay sa isang kondisyon na dapat ay makamit na ng pamahalaan ang 70 hanggang 80 percent na booster rate.
Magiging peligroso kasi aniya kung ganap nang tatanggalin ng pamahalaan ang mga ipinatutupad na restrictions sa bansa kung mababa pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nabigyan na ng booster shot.
Paliwanag niya, kung hindi daw kasi tataas ang booster uptake ay hindi malayong muling makaranas ng pangalawang surge ang Pilipinas dahil sa mababang bilang ng mga indibidwal na may proteksyon na ng nasabing bakuna.
Sa ngayon ay nasa ilalim ng Alert Level 1 ang buong Metro Manila, gayundin ang 47 ibang mga lugar pa sa bansa hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Marso.