Nagbabala ang isang health expert sa posibleng muling pagkakaroon ng panibagong surge sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa pagkatapos ng panahon ng halalan.
Ito ay dahil sa mga ginaganap na iba’t-ibang pagtitipon na maaaring maging superspreader event lalo na ngayong humihina na ang immunity ng mga tao partikular na sa mga indibidwal na hindi pa nababakunahan ng booster shot.
Ipinahayag ito ni Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Unit chief ng San Lazaro Hospital sa Maynila na si Dr. Rontgen Solante, kasabay ng pagbibigay babala sa posibleng pagkakaroon ng reinfection kung saan muling magkakahawaan ang mga nabakunahan na at mga hindi pa nakakatanggap ng kanilang booster shot.
Ang pagluwag daw kasi ng mga ipinatutupad na restriksyon sa paggalaw ng mga tao, kung saan may iilan na hindi nagsusuot pa ng face mask ay isang multifactorial na posibleng pagmulan ng muling pagtaas ng mga kaso ng nasabing virus pagkatapos ng eleksyon o sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong buwan.
Magugunita na una nang iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa mahigit 33 milyon na mga Pilipino na ang hindi pa natuturukan ng booster shot.
Ito ay marahil sa nagiging kampante na anila ang publiko laban sa banta na dulot ng COVID-19 lalo na ngayong patuloy pa na bumababa ang kaso nito sa ating bansa.
Dahil dito ay sinabi ni Dr. Solante na dapat na mas palawigin pa lalo ng pamahalaan ang isinasagawang national vaccination days at gawin na itong regular na aktibidad upang marami pang mga Pilipino ang mabakunahan nito.