CEBU – Nakakustudiya ngayon sa National Bureau of Investigation (NBI-7) ang panibagong netizen na nahaharap sa kaso dahil sa banta nitong papatayin ang Pangulo ng Pilipinas.
Una nang sumuko ang isang security guard na si Dether Japal mula sa Lapu-Lapu City, Cebu matapos matunton ng otoridad ang kinaroroonan nito.
Si Japal ang tinuturong nagpost ng mensahe sa kanyang facebook account na magbibigay ng P20,000 sa sinumang makakapatay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa naturang post, ibinunton pa ng suspek ang kanyang galit kay Pangulong Duterte dahil ito raw ang dahilan kung bakit nawalan ng trabaho ang karamihan sa mga Pilipino.
Pinabulaanan naman ng suspek ang naturang alegasyon dahil nagamit lang umano ng ibang indibidwal ang kanyang facebook account at ipinost ang nasabing banta.
Inimbestigahan na ng otoridad ang katotohanan sa likod ng naturang insidente lalung-lalu na hindi lang si Japal ang nadiskubreng sangkot sa kahalintulad na kaso.
Maaalala na na-aresto rin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-7) ang nagngangalang Ma. Catherine Ceron dahil sa post din nito na magbibigay ng P75 milyon ang kanilang grupo kapalit ang buhay ng Presidente, bagay na itinanggi ng suspek dahil na-hack lang di umano ang kanyang facebook account.