Pinag-aaralan ngayon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung kinakailangang magpatupad muli ng temporary suspension sa deployment ng mga healthcare workers sa ibang bansa lalo sa mga bansang may umiiral na travel restrictions ang pamahalaan dahil sa bagong variant ng COVID-19.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni POEA administrator Bernard Olalia na hihingi sila ng mga opinyon ng mga dalubhasa at magsasagawa ng malawakang konsultasyon sa lahat ng apektadong sector.
Ayon kay Usec. Olalia, depende sa kalalabasan ng gagawin nilang konsultasyon ang ilalabas nilang rekomendasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Kung kinakailangan umanong muling magkaroon ng temporary suspension ay kanilang gagawin para na rin sa kaligtasan ng mga ovearses Filipino workers (OFWs).