Nais ng Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng panibagong government task force na tututok sa bagong variant ng coronavirus mula United Kingdom.
Sa isang live briefing, sinabi ni Pangulong Duterte na ang nasabing task force ay iba sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Dapat din aniyang pangunahan ito ng Department of Science and Technology at ng Department of Health.
“The government should create another task force, hindi itong atin wala naman tayong alam diyan. Medical. Ideally, it’s the medical persons, na nakatutok lang talaga diyan sa bagong strain whether or not it is here or not,” wika ni Duterte.
Una nang inanunsyo ni British Prime Minister Boris Johnson na magpapatupad ito ng mas mahigpit na restriksyon sa kanilang bansa matapos na madiskubre ang mas nakahahawang strain ng coronavirus.
Ilang mga bansa na rin, kasama ang Pilipinas, ang nagpatupad ng travel ban sa United Kingdom upangmapigilan ang pagkalat pa ng naturang strain.