Nakatakdang dumating sa bansa ang isa pang US vessel para tumulong sa nagpapatuloy na paglilinis ng tumagas na langis sa may karagatan ng Oriental Mindoro.
Ayon kay Office of Civil Defense, darating ang isang anchor handling vessel na Pacific Valkyrie sa may Subic Bay , Zambales dakong alas-7:12 ng umaga.
May dala itong remotely operated vehicle (ROV) na magsasagawa ng video at sonar survey ng lumubog na MT Princess Empress.
Nagpasalamat din si Department of National Defense chief Carlito Galvez Jr. sa gobyerno ng Amerika para sa kanilang tulong.
Magpapadal din ang Amerika ng 11,000 feet na 26-inch absorbent harbor boom na gagamitin para makontrol ang pagkalat ng langis.
Inaasahan ding dumating sa bansa ang mga eksperto mula sa US Coast Guard, National Oceanic and Atmospheric Administration, at US Navy kalakip ng personal protective equipment (PPE) at iba pang support equipment, vehicles at vessels.