-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Karagdagang warrant of arrest ang inilabas ng korte laban sa magkakapatid na Yanson.

Ito’y dahil sa kasong kriminal na kanilang kinakaharap na nag-ugat sa away ng magkakapatid na nagmamay-ari ng pinakamalaking bus company sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Atty. Jerry Llena ng Vallacar Transit Inc. (VTI), ang warrant of arrest ay kaugnay sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 na isinampa laban kina Roy, Ricardo at Emily Yanson, at Ma. Lourdes Celina Yanson-Lopez.

Ang warrant of arrest na inilabas ni Judge Sue Lynn Lowie-Jolingan ng Bacolod Regional Trial Court Branch 53 ay may petsang Hunyo 5 at walang piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Maliban sa tinaguriang Yanson 4, pinapaaresto rin sina Ma. Judy Alcala, Jerica Leanne Ramos at Jerina Louise Ramos.

Oktubre taong 2019 nang sinampahan ang apat ng kaso ni Gary Manayon, material control department head ng VTI, kaugnay sa umano’y pagkontrol ng mga ito sa apat na sasakyan na pagmamay-ari ng Vallacar Transit Inc.

Ito ay kinabibilangan ng dalawang wing van at dalawang maliliit na van na ginagamit para sa daily transport and logistics support ng Ceres buses.

Ito ay kasunod ng pagbawi ng presidente na si Leo Rey Yanson at ng mga pulis sa head office ng VTI sa Barangay Mansilingan, Bacolod City noong August 9, 2019 kung saan nanatili ang apat na magkakapatid sa loob ng ilang araw.

Kung maalala, July 2019 nang tumiwalag ang Yanson 4 at gumawa ng sariling faction upang patalsikin sa puwesto ang presidente ng Yanson Group of Companies na si Leo Rey Yanson at iniluklok ang panganay na si Roy.

Kasama naman ni Leo Rey ang kapatid na si Ginette Dumangcas at ina na si Olivia Villaflores Yanson sa kanilang faction.