Mabilis na napigilan ng mga otoridad ang sumiklab na panibagong wildfire sa Los Angeles, California.
Ang brush fire ay naitala sa Ventura County, kung saan tinatawag nila itong ‘Auto Fire.’
Umabot ang sunog sa 55.7 ektarya matapos na ma-contain ng mga bumbero ang apoy at tuluyang naapula.
Pero, dahil sa kabi-kabilang sunog, naglabas naman ang National Weather Service (NWS) ng panibagong air quality alert, kung saan sakop nito ang South Coast air basin kabilang ang lahat ng Orange County at iba pang bahagi ng LA, Riverside at San Bernardino counties at Coachella Valley.
Ito’y bunsod na rin ng nakakapinsalang antas ng alikabok at abo na tinangay na hangin patungo sa residential area.
Tatagal ang warning hanggang sa Miyerkules ng gabi.
Pinaalalahanan ang mga residente sa apektadong mga lugar na iwasan ang outdoor activities at panatilihing nakasara ang mga bintana’t pintuan ng kanilang mga bahay at saasakyan.