Hindi muna tatanggap ang Philippine Reclamation Authority ng aplikasyon para sa panibagong reclamation projects sa parte ng Manila Bay at sa buong bansa.
Ito ay matapos na maglabas ng direktiba si Pangulong Bong Bong Marcos Jr. at bilang tugon na rin sa hinaing ng publiko sa posibleng maging epekto ng reclamation project sa kalikasan at kabuhayan ng mga residente malapit sa nasabing lokasyon.
Ngunit mayroon na umanong dalawamput dalawang nauna na, ang ilan ay approved, ang ilan ay for implementation na at iba pang stages.
Ayon naman kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Ma. Antonia Loyzaga, na maaari pang pag aralan ang mga nauna nang ma approve na reclamation project.
Kung maaalala kasi sa naganap na forum na pinangunahan ni Department of Environment and Natural Resources, nagbabala ang ilang eksperto sa masamang epekto nitong reclamation projects.
Hindi na umano maibabalik ang mga natakpan na, at sa katunayan raw ay mayroon itong kanya kanyang pakinabang sa kalikasan.
Tinitingnan pa ng ahensya ang kaugnayan nito sa climate change, human development, economic development at ang pagbibigay konsiderasyon sa kalikasan na lubos na apektado sa nasabing aktibidad.
Dagdag pa rito, nakakaapekto rin daw itong reclamation projects sa kabuhayan ng ilang mga mangingisda na nakatira sa may baybayin at ang tanging pang araw araw na kabuhayan ay ang pangingisda.