KORONADAL CITY – Tiniyak ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Japan na ligtas sila sa kapahamakang dulot ng super typhoon Hagibis habang nananalasa ito sa ibang lugar sa Japan.
Sa report ni international correspondent Gretha Jerez, residente ng GenSan City ngunit naninirahan sa Nagoya, kaagad silang lumikas sa Gifu prefecture na 45 minuto ang layo bago manalasa ang nasabing bagyo.
Ayon kay Jerez, ilan umano sa mga area ng Japan katulad ng Chiba at Ibaraki ang labis na pininsala ng bagyo kung saan ilang lugar ang wala nang suplay ng kuryente.
Dagdag nito na sa kanilang pagpa-panic buying sa mga mall at convenience stores, nagkakaubosan ang mga suplay ng tubig at karne kaya ginagawang alternatibo ng iilan ang tsaa upang ma-rehydrate lamang ang kanilang katawan.
Inilarawan pa nito na parang zombie apocalypse ang nangyayari dahil sa bagyo.
Sa ngayon binigyan sila ng internet hotspot ng gobyerno para sa emergency purposes bilang paraan upang ma-contact ang kanilang mga kaanak at mahal sa buhay.