-- Advertisements --

CEBU CITY – Nilinaw ng kampo ni dating Cebu City Mayor Tomas Osmeña na hindi nawawala ang seal ng Office of the City Mayor at ginamit pa umano ito noong nanumpa ang kasalukuyang alkade na si Edgardo Labella.

Ayon sa legal counsel ni Osmeña na si Atty. Amado Ligutan, na-pull out ng building maintenance section head na si Mejelito Cajes ang official seal noong Hunyo 25, base sa nakuha nilang record mula sa kanilang logbook.

Ito ay taliwas umano sa reklamong isinampa ni Cajes sa Ombudsman kung saan nawawala ang official seal nang mangyari ang pagbaklas sa mga gamit sa mayor’s office.

Sinabi rin ni Ligutan na nagsisinungaling daw si Cajes at puro malicious imputation ang ibinato nito laban kay Osmeña at sa mga kasamahan nito.

Dagdag pa nito, hindi “demolition” ang nangyaring pagbabaklas sa mayor’s office kung saan tanggal ang tiles nito at kinuha ang mga personal na gamit ng dating mayor.

Sinisiguro naman ng kampo ni Osmeña na sasagutin nila ang mga akusasyong hinaharap sa takdang panahon.