Ibinasura ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin ang mistulang reklamador na istilo ni Vice President Sara Duterte nang sabihing may mali umano sa paghawak ng pondo ng gobyerno, partikular noong siya pa ang kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Duterte isa sa mga rason kung bakit siya nagbitiw bilang kalihim ng DepEd ay ang mali umanong paggamit sa pondo ng ahensya na tinangka nitong itama subalit wala siyang nakuhang suporta at walang naging malaking pagbabago.
Iginiit ni Garin ang kahalagahan na magkaroon ng pananagutan sa paggugol ng pondo ng DepEd.
Sa isinagawang oversight meeting sa pondo ng DepEd, sinabi ni Garin na lumalabas na sa panahon ni Duterte sa DepEd ay nakatambak lamang ang mga binili nitong textbook, school furniture, learning material, IT hardware na nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso sa halip na napapakinabangan na sa mga pampublikong paaralan sa mga ito.