TUGUEGARAO CITY- May pag-asa pang maibalik ang Filipino at Panitikan subjects sa kolehiyo sa pamamagitan ng isang batas.
Sinabi ni Congressman Bong Belaro ng 1-Ang Edukasyon Party-list na may inihain silang panukalang batas sa kamara na nag-aatas sa Commission on Higher Education na isama ang Filipino at Panitikan sa college curriculum.
Reaksyon ito ni Belaro sa naging pinal na desisyon ng Korte Suprema na alisin na ang mga nasabing subjects sa kolehiyo.
Samantala,umaasa din si Belaro na susuportahan ng mga mambabatas ang mga nakahaing panukalang batas na naglalayong gawing wholistic ang National Service Training Program o NSTP kung saan ay kasama na rin dito ang Reserve Officer Training Corps o ROTC.
Sinabi niya na ito ay upang magkaroon ng kaalaman ang mga mag-aaral hindi lamang sa panahon ng kapayapaan kundi sa panahon ng giyera,kalamidad at iba pang sitwasyon.
Subalit, sinabi ni Belaro na hindi siya sang-ayon sa panukala ni senator-elect Ronald Dela Rosa na dalawang taon ang ROTC.