Gagawin umanong malaking hamon ng Philippine men’s basketball team ang panonood mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanilang opening game sa 2019 FIBA World Cup kontra sa Italy.
Naka-schedule na magtungo sa Foshan ang Pangulong Duterte upang panoorin ang mga Pinoy sa kanilang laro sa darating na Sabado.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Yeng Guiao, natutuwa sila at personal silang panonoorin ng Pangulong Duterte na pagpapakita raw ng suporta sa kanila.
“Sa amin, hindi namin tinitignan yan na pressure ‘yan sa amin,” wika ni Guiao. “Tinitignan namin ‘yan parang suporta, parang pagpapatunay na kahit na may sinabi siya noong araw, e, alam naman namin sa puso niya na gusto niya tayong manalo.”
Una nang nangantiyaw ang Pangulong Duterte na makalalasap daw ng pagkatalo sa kamay ng Italian team ang Gilas.
Pero sinabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, dapat na magsilbi raw itong hamon at inspirasyon sa Gilas para patunayang mali ang akala ng pangulo.