-- Advertisements --
image 336

Iniimbestigahan na ng Justice Department ang alegasyon na tinorture ang apat na mga suspect kaya napilitan itong ituro at idiin si suspended representative Arnolfo Teves Jr bilang utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ito ang kinumpirma ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano makaraang sabihin ni Teves na dapat ay imbestigahan rin ng Department of Justice ang naturang isyu.

Una ng hinamon ni Teves si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa pamamagitan ng isang online post para umano maging patas ay dapat din na silipin ang reklamo ng mga suspect.

Si Teves ay nagmamatigas pa ring bumalik ng bansa dahil wala naman aniya itong kasong kinakaharap sa korte bukod sa reklamong inihain laban sa kanya ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice.

Kinakaharap ng mambabatas ang patong-patong na reklamong murder, frustrated at attempted murder kaugnay pa rin sa kaso ng pamamaslang kay Degamo.

Samantala, ipinagtataka naman ng Department of Justice ang biglang pagbaliktad ng apat na suspect sa kabila na ibinigay naman aniya ng pamahalaan ang lahat ng kanilang mga kahilingan.

Kung maaalala, unang naghain ng Counter Affidavit at Affidavit of Recantation si Osmundo Rivero matapos umano itong piliting ng mga pulis na umamin at ituro si Teves bilang utak na karumal dumal na krimen.

Sinugruo naman ng ahensya na matibay ang kanilang kaso sa mambabatas na si Arnolfo Teves Jr.