Nanawagan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa pamahalaan na payagan pansamantala ang P1 na dagdag sa pamasahe sa harap pa rin nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sa isang panayam, muling binigyan diin ni FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño ang kanilang apela para sa agarang aksyon ng national government para matulugan din sila sa harap ng kanilang pasanin ngayon.
Ito ay habang nagpapatuloy naman sa ngayon ang pagdinig ng Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) sa kanilang petisyon na dagdagan ng P5 ang pamasahe sa mga jeep.
Iginiit ni Rebaño na hirap na hirap na ang mga tsuper sa ngayon, at ang iba nga ay mas nais nang tumigil na lang sa paghahanapbuhay dahil sa pangyayari kamakailan.
Naniniwala si Rebaño na pinagsasamantalahan lamang ang kanilang sektor sa giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia kaya lalo pang tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Noong Pebrero 28, tumaas sa ika-siyam na magkakasunod na linggo ang presyo ng mga petroleum products.
Ilan sa mga gasolinahan sa bansa ay aabot na sa P80 ang singil nila sa produktong petrolyo.