CAUAYAN CITY – Isinusulong ng Ilagan City Inter Agency Task Force (CIATF) ang pansamantalang pagsuspinde sa balik siyudad program ng pamahalaang lunsod ng Ilagan.
Hiniling ng CIATF sa pangunguna ni City Mayor Jose Marie Diaz sa Regional IATF ang pansamantalang suspensiyon sa pagtanggap ng lungsod ng mga umuuwing locally stranded individuals (LSI’s) at Returning Overseas Filipinos (ROFs) sa lunsod.
Ayon sa CIATF, layunin nitong mabigyan sila ng sapat na panahon na maihanda ang mga isolation at quarantine facility.
Sa inilabas na Executive Order No. 59 ng City Government, nakasaad na ipapatupad ang moratorium para sa mga LSI at ROF sa unang araw hanggang ika-15 ng Setyembre.
Ayon kay Mayor Diaz, dahil sa pagdagsa ng mga LSI at ROF sa City Of Ilagan ay nagkakaroon na ng kakulangan ng espasyo sa kanilang mga pasilidad.
Aniya, nasa 10 pa ang pasilidad na nagsisilbing isolation o quarantine areas ng mga umuuwing LSI at ROF subalit pinangangambahan na baka ito ay magkulang.
Pamamaraan din ito ng lokal na pamahalaan para maisakatuparan ang mga estratehiyang inilatag para makamit ang pagiging COVID-19 free muli ng Ilagan.