Binatikos ng health reform advocate na si Dr. Tony Leachon ang proposal ng ilang mga mambabatas na suspension sa premium contribution ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ayon kay Leachon, bagaman ito ay welcome para sa mga mangagawang nagbabayad ng premium, ito ay isang ‘band-aid’ solution at isa lamang pansamantalang ‘relief’ para sa kanila.
Inihalintulad din ito ni Leachon bilang paglalagay ng band-aid sa isang sugat na nangangailangan ng surgery o operasyon.
Ayon sa health reform advocate, kailangan ng komprehensibong solusyon sa kasalukuyang korupsyon at kawalan ng kakayahan o inefficiency na nangyayari sa ilalim ng Philhealth.
Naniniwala si Leachon na ang suspension sa premium contribution ay magpapa-delay lamang sa hindi maiiwasang pagbagsak o pag-collapse ng healthcare system ng bansa.
Una nang pinalutang ng Kamara de Representantes ang planong pagsuspinde sa buwanang kontribusyon, dahil na rin sa malaking surplus fund ng Philhealth.
Ito ay maliban pa sa nauna nang pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na pagsasagawa ng masinsinan at impartial investigation sa kung paano nagagastos ang pondo ng Philhealth.