CAUAYAN CITY- Magkapareho lamang ang ang nakukuhang suporta sa presidential race nina President Donald Trump at dating Vice President Joe Biden sa Florida, U.S.A.
Ito ang inihayag ni Flordeliz Telan-Soriano, tubong lunsod ng Tuguegarao at nasa Florida ngayon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Flordeliz Telan Soriano, tubong Tuguegarao City at naninirahan sa Florida na batay sa mga lumalabas na resulta sa mga polls ay pantay ang nakukuhang suporta nina Biden at Trump.
Gayunman ay madalas na Republican ang nananalo sa Florida.
Pero kung siya ang tatanungin ay si Trump ang kanyang sinusuportahan dahil kuntento siya sa mga nagawa nito sa Estados Unidos.
Alam na niya kung ano ang mga nagawa ni Trump habang si Biden na bagamat naging Bise Presidente na ng Amerika ay wala pa siyang nakitang nagawa nito.
Sa kabila nito ay aminado siyang noong nakaraang halalan sa Amerika ay hindi niya ibinoto si Trump pero sinuportahan niya nang manalo sa halalan.
Idinagdag pa ni Soriano na hindi niya masisisi ang mga dating sumusuporta kay President Trump dahil sa pagkamatay ng isang black American na si George Floyd.
Pero iginiit nito na hindi dapat isisi sa Pangulo ang mga nangyayari ngayon sa Estados Unidos pangunahin na sa usapin ng COVID-19 dahil kahit pa anong gawin ng pangulo kung hindi sumusunod ang mga tao ay wala ring mangyayari.