-- Advertisements --

Mananatili ang pantay na pagtrato ng Catholic Church sa lesbian, gay, bisexual, transgender at queer (LGBTQ+) community, kahit pa mababago na ang Santo Papa kasunod ng pamamayapa ni Pope Francis.

Maalalang kilala ang pumanaw na Santo Papa bilang ‘champion’ ng LGBTQ+ community dahil sa kaniyang mga naunang pahayag ukol sa pagtanggap at pagpapakita ng pagmamahal sa kanila.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Public Affairs executive secretary Fr. Jerome Secillano, hindi magbabago ang pagtrato at pagtingin ng simbahang Katolika sa mga miyembro ng naturang grupo.

Bagaman mistulang bago aniya ang paninindigan at mga pahayag na inilabas ng yumaong Santo Papa, lalo na sa usapin ng inclusivity o pagtanggap sa mga miyembro ng LGBTQ+ community, ngunit dati na ring ito ang nagsisilbing pagtingin o saloobin ng simbahan para sa kanila.

Sa katunayan aniya, lagi ring nagiging ‘accommodating’ ang simbahan sa lahat ng miyembro ng naturang grupo at ni minsan ay hindi rin sila kinundena o inihihiwalay.

Giit ng CBCP official, mananatili ang ‘non-discrimination’ policy ng simbahan sa lahat.