Isinusulong ng ilang mambabatas na itaas sa 21 taong gulang ang edad na papayagang makabili ng alak at pagbawalan ang persons with disabilities na makabili ng nakakalasing na inumin,
Inihain nina Benguet Reps. Eric Yap at Davao City Rep. Paolo Duterte ang House Bill No. 1753 na naglalayong mapagbawalan ang mga hindi kwalipikadong indibidwal na makabili ng alcoholic beverages at mapigilan ang iba na bumili ng alak para sa mga ito.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, ang mga hindi kwalipikadong makabiling alak ay ang mga edad na mas mababa sa 21 taong gulang kabilang ang mga edad 21 pataas na hindi kayang maalagaan o maprotektahan ang kanilang sarili mula sa abuse, neglect, karahasan, exploitation o discrimination dahil sa physical o mental disability o condition.
Ipinagbabawal din sa naturang panukala ang pagpresenta ng pekeng ID na nagpapakita ng pekeng edad at ipinagbabawal din ang pag-inom o pagdadala ng alak o alcoholic beverages ng isang indibidwal na below 21 anyos sa loob ng establishments.
Nakasaad din sa naturang panukala ang mga hindi kwalipikadong indibidwal na lalabag sa unang pagkakataon ay isasailalim sa counseling sa Barangay Council for the Protection of Children (BCPC).
Para naman sa second offense, kailangang dumalo sa dalawang magkasunod na counseling sessions sa BCPC kasama ang kanilanh parents o guardians kapag hindi naman ito nasunod sa ikatlong offense ay ibibigay na ang kaso sa Department of Social Welfare and Development.
Ang mga lalabag sa naturang probisyon ng panukalang batas ay paparusahan ng P50,000 na multa at pagkakakulong ng tatlong buwan. Sa mga susunod pang paglabag ay papatawan ng parehong penalties kasama ang revocation ng kanilang business license.
Ang mga public officers naman na mabigong magpatupad ng naturang panukala ay mapaparusahan din ng pagkakakulong ng isang buwan hanggang anim na buwan at pansamantalang suspensiyon mula sa serbisyo.
Sa inilabas na 2021 survey mula sa DOH, nasa 40.1% ng mga Pilipino ang napaulat na umiinom ng nakakalasing na inumin.