-- Advertisements --

Isinusulong na maisabatas ang panukala na nagpapataw ng mabigat na parusa laban duon sa mga banyaga na iligal na nagtatrabaho sa guerrilla POGOs.

Dahil dito hinikayat ni Representative Brian Raymund Yamsuan ang mga kapwa mambabatas na aprubahan na ang panukala na magpapataw ng mabigat na parusa nang hanggang anim na taong pagkakakulong sa mga illegal foreign workers sa sangkot sa mga iligal na aktibidad.

Ginawa ni Yamsuan ang kaniyang panawagan matapos maiulat ang presensiya ng mga Chinese nationals na iligal na nagta trabaho sa isang mining sites sa Eastern Samar at Camarines Norte.

Sinabi ni Yamsuan ang House Bill 1279 ay makakatulong upang maiwasan ang “guerilla” Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na makapag operate pa sa bansa.

Bukod sa parusang pagkakulong,magkakaroon din ng multa na P10,000 hanggang P50,000 kada taon bunsod ng unlawful employment.

Sa ilalim ng panukala ang mga employers na tatanggap ng mga iligal na banyagang manggagawa ay papatawan din ng multa ng hanggang P200,000.00 at posibleng pag suspindi at pagsara ng kanilang negosyo.

Ipinunto ni Yamsuan na ang nadiskubring illegal mining operations sa bayan ng Paracale sa Camarines Norte at Homonhon Island sa Eastern Samar ay posibleng “small-scale” lamang.

Gayunpaman ang DENR ay nagpahayag din ng pagkabahala na posibleng may mga banyaga pang nagta trabaho ng iligal sa iba pang mining sites sa bansa.

Suportado naman ni Yamsuan ang direktiba ni DILG Sec. Jonvic Remulla sa mga LGUs na kaagad ireport kapag may mga iligal na operasyon ng POGO sa kanilang mga nasasakupan.

Pagbibigay-diin ni Yamsuan na dapat maging proactive ang gobyerno para maiwasan na lumala pa ang nasabing problema sa pamamagitan ng pagkakaroon ng batas na nagpapataw ng mabigat na parusa.