Aprubado sa tatlong komite sa Kamara ang panukalang batas na iniakda ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na layong magtatag ng mga ospital para sa overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya.
Inaprubahan ng Ways and Means Committee ang tax provision ng House Bill No. 9194, habang nagbigay naman ng pagsang-ayon ang Committees on Health at Appropriations.
Sa ilalim ng panukala ni Arroyo, itatayo ang mga OFW hospitals para magbigay ng komprehensibong health care services sa lahat ng migrant workers na mga nagbibigay ng kontribusyon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Kapag naitayo na ang naturang mga pasilidad, ito ay pangangasiwaan ng Department of Health (DoH).
Layon din ng panukala na mapagkalooban ng medical examinations para masiguro ang physical at mental capability ng mga overseas contract workers na may kaukulang job order.
Magsisilbi rin itong primary referral hospital para sa mga repatriated OFW’s na mangangailangan ng medical assistance and support.
Ipinaliwanag ni Arroyo na ang naturang panukala ay pagbibigay diin lamang sa mga umiiral na batas patungkol sa kalusugan.
Hihilingin naman ni Arroyo sa kanyang mga kaalyado sa 18th congress na i-refile ang panukala sakaling maabutan ito ng pag-adjourn ng 17th congress sa Hunyo 8.