Isa ng batas ang panukala na nagsusulong sa pagpapaigting ng regulasyon sa private security services industry sa bansa.
Sinabi ni Senator Bato Dela Rosa na siyang may-akda at sponsor ng Republic Act No. 11917 o ang Private Security Services Industry Act ay naging batas noong July 30 kung saan kabilang sa layon nito ay mangalaga sa mga private security personnel.
Sa ilalim ng bagong batas, mas paiigtingin ang regulasyon ng security agencies dahil required na ang may-ari mismo ng ahensiya na maging isa sa licensees kapag nag-aaplay para sa License to Operate (LTO).
Sa naturang batas ginawang mas simple ang qualification requirements para sa pag-aplay ng security personnel positions kung saan maaari ng mag-apply bilang security personnel ang mga estudyanteng nagtapos sa K-12 o Grade 12.
Sa ilalim ng naturang batas, pinapahintulutan ang isang Filipino citizen o juridical entity sa pagmamay-ari at kontrolado ng isang Filipino citizen na bumuo ng isang private security agency (PSA) na magbibigay ng security services na dapat nasa maximum 2,000 private security professionals.
Inilarawan sa ilalim ng naturang batas ang Private Security Services bilang pagbibigay ng security services sa mga establisyemento kapalit ng compensation.
Inamyendahan nito ang Republic Act No. 5487 o An Act to Regulate the Organization and Operation of Private Detective, Watchmen or Security Guard Agencies.