-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Isinusulong ni ACT-CIS Partylist at Benguet Caretaker Congressman Eric Yap sa Kamara ang isang panukalang batas na nag-uutos sa mga negosyante sa direktang pagbili nila ng mga gulay mula sa mga magsasaka.

Aniya, kailangang maalis na ang pagdami ng mga middlemen sa operasyon ng vegetable trading sa lalawigan ng Benguet.

Giit nito, ang mga magsasaka ang nahihirapan dahil sa mababa at bagsak na presyo ng mga gulay gayong pagdating sa mga merkado ay mataas na ang presyo.

Sakali aniyang maaprubahan ang panukalang batas ay ang magsasaka at vegetable buyer ang direktang mag-uusap ukol sa presyo ng mga bibilhing gulay at hindi na dadaan pa sa middlemen.

Pinag-aaralan din nito at ni Benguet Governor Melchor Diclas kung paano magkakaroon ng transportasyon para ang lokal na pamahalaan na ang bahala sa direktang transportasyon ng mga gulay ng mga magsasaka patungo sa Manila.

Sa kasalukuyan, papel ng mga trader ang transportasyon ng mga gulay na binili ng mga vegetable buyers mula sa mga trading areas sa Benguet patungo sa destinasyon ng mga ito sa Metro Manila at iba pang rehiyon.