Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukala na magbibigay pahintulot sa pagtatayo ng economic zone sa tabi ng mungkahing New Manila International Airport (NMIA) sa Bulacan.
Ipinanukala ni Bulacan Representative Jonathan Sy-Alvarado ang House Bill 7575 na mag-eestablish sa Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport.
Ayon kay Alvarado, ang economic zone at freeport na ito ay makatutulong sa pagbibigay ng alternatibo para sa mga indibidwal na nais mag-invest sa labas ng Metro Manila.
Ang pag-apruba sa naturang panukala ay nangyari matapos aprubahan din ng Kamara sa ikatlong pagbasa ang House Bill 7507 na siya namang magbibigay ng go signal sa San Miguel Aerocity Inc., na mag-franchise para sa construction ng NMIA na aabot sa P735 billion.
Kasama rin sa naturang proyekto ang konstruksyon, operasyon at maintenance ng 2,500 hectare airport sa Bulacan. Binabalak din ng mga opisyal na maglagay ng terminal building na may airside at landside faciliities, airport toll road at apat na runways.
Maging ang paglalagay na rin ng 8.4 kilometer tollway na magkokonekta sa nasabing ariport papunta sa North Luzon Expressway sa Marilao, Bulacan.
Inaasahan na sa pamamagitan ng NMIA ay mababawasan ang decongestion na nararanasan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).