Ganap ng batas na ang panukala para sa pagtaas ng buwanang social pension ng mga indigent senior citizens mula P500 hanggang P1,000.
Ito ang kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na siyang sponsor ng naturang panukala noong 18th Congress.
Ibinahagi ng Senador ang kopya ng liham mula sa Malacanang na nilagdaan ni Executive Secretary Victor Rodriguez na ang naturang panukala ay nag-lapsed bilang batas noong July 30.
Liban pa sa pagtaas ng buwanang social pension ng mga indigent senior citizen, ang naturang batas ay nagbibigay din ng options maliban sa cash payout para makuha ng target beneficiary ang kanilang pension. Hindi rin magbabayad ang mga benepisyaryo ng transaction fee kung meron man.
Sa ilalim ng naturang batas, malilipat na sa pangangasiwa ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang implementasyon at pamamahagi ng social pension para sa mga senior citizens sa loob ng period na hindi lalagpas ng tatlong taon.
Maaalala na noong Mayo ng kasalukuyang taon, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang naturang panukalang batas na inadopt ng House of Representatives.