Muling iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang ‘Batang Magaling Act’ o Senate Bill No. 2367 upang iangat ang kahandaan ng mga senior high school (SHS) graduates.
Kasunod ito ng direktiba ng Pangulo na tiyaking handa ang mga SHS graduates na pumasok sa trabaho.
Isa sa mga layunin ng naturang panukala ang pagiging institutionalized ng libreng national competency assessments para sa national certification.
Matatandaang sa ilalim ng 2024 national budget, ipinanukala ni Gatchalian ang paglalaan ng P438 milyon sa ilalim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Regulatory Program para sa libreng assessment at certification ng mga mag-aaral sa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood (TVL).
Mahigit 420,900 TVL graduates ang inaasahang makikinabang sa naturang pondo.
Sa ilalim din ng naturang panukala, iuugnay ang mga curriculum ng mga paaralan at work immersion component ng SHS sa market needs ng mga industriya at mga ahensya ng gobyerno. Layon din ng panukalang batas na tiyakin ang kahandaan ng mga SHS graduates, piliin man nilang mag-kolehiyo, pumasok sa pagnenegosyo, o magpatuloy sa skills development.
Sa ilalim ng naturang panukala, imamandato rin sa Department of education (DepEd) na iugnay ang SHS program sa quality assurance framework at training regulations ng TESDA.