Umapela ang ilang mga negosyante at employers sa Senado na muling pag-aralan ang panukalang P100 na umento sa arawang sahod ng mga manggagawang Pilipino.
Sa inihain position paper ng mga ito , nakasaad dito ang 17 grupo ng employers sa Pilipinas.
Kabilang na rito ang Philippine Chamber of Commerce and Industry maging ang Employers Confederation of the Philippines.
Sinabi ng grupo na baka sa halip na makatulong ang panukalang taas sahod ay makasama pa ito sa sektor ng pagnenegosyo maging sa mga manggagawa.
Sa isang panayam, ipinunto ni ECOP Pres. Sergio Ortiz-Luis Jr., aabot lang sa 16% ng manggagawa ang makikinabang dito at maaaring maiwanan ang 84% ng mga manggagawa mula sa informal sector .
Sila kasi anila ang maaaring tamaan ng inflation sa bansa sakaling tuluyang maging batas ang naturang panukala.
Binanggit rin ng grupo ang kakaapruba lang ng 15 regional boards noong nakaraang taon. Hindi rin anila napapanahon ang pagtaas ng sahod .
Hinimok naman ng samahan ng mga employer ang gobyerno na gumawa ng mga comprehensive plans para maresolba ang economic inequality partikular na sa mga informal sector employee.