Tinutulan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panukalang pagpapalawig sa probationary period ng isang empleyado mula anim na buwan hanggang sa dalawang taon.
Sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III, iba raw ang kanilang posisyon dahil masyado umanong mahaba ang dalawang taon, at labag daw sa “providing job security” policy ng pamahalaan.
“I don’t think it’s necessary for a worker to undergo a probationary period of two years for an employer to determine his qualification. Six months is enough,” wika ni Bello sa isang pahayag.
“Delaying a worker’s assurance of permanent employment is no longer in keeping with the administration’s policy on security of tenure,” dagdag nito.
Una rito, inihain ni Probinsyano Ako party-list Rep. Jose “Bonito” Singson Jr. ang House Bill 4802 kung saan nakasaad dito na kulang daw ang anim na buwang probationary employment period na itinatakda ng Labor Code para matukoy kung ang isang empleyado ay qualified para sa regularization sa isang trabaho.
Partikular na tinukoy ni Singson ang mga posisyon kung saan required ang pagkakaroon ng specialized skills at talents.
Dahil dito, iginiit ng kongresista na nalilimitahan ang karapatan ng isang employer na makakuha ng mga “quality employees.”
“Considering the advent of technological advances in various industries, the probationary employees must undergo a series of developmental training and assessment to ascertain their ability to do the job,” ani Singson.