-- Advertisements --

Tinanggap ni Senadora Risa Hontiveros ang panukalang amyenda na isinumite ni Senate President Francis “Chiz” Escudero para sa kanyang isinusulong na Senate Bill No. 1979 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill. 

Sa pulong balitaan, sinabi ni Hontiveros na isinama niya sa kanyang inihaing substitute bill ng panukalang anti-teen pregnancy ang mga inilatag ng pangulo ng Senado. 

Bagama’t nagkaroon ng mga amyenda o pagbabago sa panukalang batas, kumpiyansa ang senadora na tanggap pa rin ng kanilang mga partner advocates ang substitute bill dahil nakatuon pa rin naman aniya ito sa layunin na masugpo ang teenage pregnancy sa bansa at pagbibigay proteksyon sa kanila. 

Samantala, bumwelta din si Hontiveros sa pahayag ni Senador Joel Villanueva na budol ang isinusulong na anti teen pregnancy bill. 

Ayon kay Hontiveros, ang totoong pangbubudol ay ang pagpapakalat ng maling impormasyon, pananakot sa publiko, at pagsisinungaling tungkol sa panukalang batas. 

Ang CSE ay i-integrate sa mga umiiral na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), at ito rin ay tatalakayin sa mga magulang sa mga PTA meetings.

Nakasaad din sa Senate Bill No. 1979 ang pagbibigay ng social protection at serbisyo para sa pangangalaga sa kalusugan ng mga kapapanganak na batang ina at sa mga bagong silang na sanggol.