Lusot na sa third and final reading sa House of Representatives ang panukalang Agricultual Tariffication Act na layong pahusayin ang buffer stocking capabilities ng gobyerno, magkaroon ng market intervention nang sa gayon ma- stabilize ang presyo ng bigas sa panahon ng mga kalamidad at iba pang mga emergency situations at pagaanin ang pasanin ng mga consumers.
Sa botong 231 pabor, tatlo ang hindi pabor at isa ang abstention, inaprubahan na ng Kamara ang House Bill (HB) No. 10381, entitled “An Act Further Amending Republic Act (RA) No. 8178, as Amended, Otherwise Known as the Agricultural Tariffication Act.”
Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang nasabing development na isang makabuluhang hakbang upang masiguro ang steady food supply sa bansa at ang pangako na matiyak ang abot kayang presyo ng bigas para sa bawat pamilyang Pilipino.
Sinabi ni Speaker Romualdez ang abot-kayang presyo ng bigas ay hindi lamang isang isyu sa ekonomiya ngunit isang usapin ng katarungang panlipunan.
Ipinunto din ni Speaker Romualdez na ang pag-apruba ng panukalang batas ay isang testamento sa pagtutulungan ng mga miyembro ng Kamara, na nagpapakita ng iisang desisyon na harapin ang mga hamon sa seguridad ng pagkain.
Tinukoy ng panukalang batas ang paglalaan at pamamahala ng labis na kita ng taripa mula sa pag-aangkat ng bigas para sa direktang tulong pinansyal sa mga magsasaka ng palay, insurance sa pananim, mga programa sa diversification ng pananim, at pagpapaunlad ng mga sistema ng irigasyon.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang National Food Authority (NFA) ay may tungkulin sa pagpaparehistro at pagsubaybay sa lahat ng mga bodega ng butil, pagtiyak sa pagsunod sa mga pamantayan ng kalidad at suplay ng bigas, at pagpapanatili ng isang pambansang database.
Ang NFA ay inaatasan na mapanatili ang sapat na buffer stock na kinakailangan mula sa mga lokal na magsasaka o organisasyon ng mga magsasaka.
Pinalalakas din ng panukalang batas ang kapangyarihan sa regulasyon ng Bureau of Plant Industry, na nagpapahintulot sa inspeksyon ng mga bodega upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa sanitary, phytosanitary, at kaligtasan ng pagkain.
Ang DA Secretary ay maaaring magdeklara ng food security emergency dahil sa mga salik tulad ng kakulangan sa suplay ng bigas o patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.