Isinalang na sa plenaryo ng Kamara ang House Bill 10381 o ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law o RTL.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni House Committee on Agriculture and Food chairman Mark Enverga na mismong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nagpasimula ng pagsusulong ng RTL amendments para makatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng ating mga mamamayan; kasabay ng kagustuhan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mapababa ang presyo ng bigas at masigurado ang katatagan ng supply.
Sinabi ni Enverga na “overwhelming” ang mga panawagan na muling bisitahin ang RTL, kaya naman napapanahon nang kumilos ang Kongreso.
Tiniyak naman ni Enverga na binusisi ng mabuti ang mga amyenda sa RTL, para hindi maka-apekto sa mga naunang nakamit ng batas.
Kabilang aniya sa “key provisions” ng panukala ay bigyang-kapangyarihan ang National Food Authority o NFA na i-require ang registration ng lahat ng grains warehouses o bodega; payagan ang NFA na magsagawa ng inspeksyon; rice stabilization; panatilihin ang sapat na buffer stock mula sa mga lokal na magsasaka o grupo; at iba pa.
Dagdag ni Enverga, target dito na palakasin ang regulatory power ng Bureau of Plant Industry o BPI; bigyang-kapangyarihan ang kalihim ng Department of Agriculture na magdeklara ng “food security emergency” dahil sa kakulangan o kakapusan ng supply ng bigas, pagtaas ng presyo ng bigas, at “extra ordinary” na pagsirit ng presyo ng bigas.
Sinabi pa ni Enverga na i-eextend ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF ng 6-taon, kasama ang pagpapalawak sa coverage at iba pa.
Isa pang nakasaad sa RTL amendments ay ang pag-empower sa Pangulo na ire-allocate ang P15 billion rice fund at excess tariff revenues sa iba’t ibang mahahalagang programa, kung kakailanganin.
Bubuo rin ng Rice Industry Development Program Management Office, para sa epektibong implementasyon ng rice program.