Aprubado na sa House Committee on Agriculture and Food ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law o RTL.
Sa isinagawang committee hearing sa pangunguna ni Quezon Rep. Mark Enverga, nagmosyon ni Abono PartyList Rep. Robert Raymund Estrella na ipasa na ang “substitute bill” ng panukala at “subject to style.”
Sinabi ni Estrella, hindi na makapaghintay ang taumbayan na magkaroon ng sapat at murang mga bilihin, lalo na ng bigas.
Walang kumontra sa mosyon ni Estrella, at agad na inaprubahan ang substitute bill ng RTL amendments.
Kabilang sa mga itinutulak ng panukala ay maibalik sa National Food Authority o NFA ang mandato na bumili at magbenta ng abot-kayang bigas sa merkado.
Sinabi ni Enverga na diretso na sa House Committee on Ways and Means ang panukala para sa “tax provisions,” at inaasahang maipapasa kaagad.
Sa panig ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, na vice chairperson ng House Agriculture Panel, ang substitute bill ay produkto ng maraming oras na deliberasyon at konsultasyon.
Siniguro naman ni Suansing sa mga stakeholders, ikukunsidera ng komite ang lahat ng inputs na nakalap sa mga pagdinig, hanggang sa makabuo ng “best bill” na mai-aakyat sa plenaryo ng Kamara.